Mga Suspek sa Pagpatay sa Estudyante ng Ateneo, Nahuli Na

PIO Department

2018-12-6

Share article on:

Nasa kamay na ng mga awtoridad ang dalawa sa tatlong holdaper na sinasabing pumatay sa graduate student ng Ateneo de Manila University at empleyado ng Department of Education na si Francis de Leon.

 

 



Sa isang press conference na ipinatawag ni Mayor Marcy Teodoro kasama ng Philippine National Police (PNP) Marikina sa City Hall kahapon ng hapon, sinabi ni Marikina police chief Sr. Superintendent Roger Quesada na ang dalawang suspek ay nahuli nang magkahiwalay dito sa lungsod. Ang isang suspek ay nahuli noong Martes ng 11:00 ng gabi sa Brgy. Marikina Heights at ang isa naman ay noong 1:00 ng madaling araw ng Miyerkules sa Brgy. Tumana.


 


 

 

Naiulat na noong Disyembre 1 ng madaling araw, nakitang wala ng buhay at may saksak sa leeg at dibdib ang katawan ng 24-anyos na si Francis sa kalye ng J. Molina St. at Blue Bird St. sa Brgy. Concepcion Uno.  Pauwi na sa kanyang bahay si Francis mula sa Ayala Malls Marikina nang mangyari ang krimen.

 

Ang isa sa mga suspek na si Jayvee Santos, alias “Diablo”, ang siya umanong pumatay kay Francis. Base sa impormasyon ng pulis, lider si Diablo ng grupo ng mga holdaper sa Marikina.

 

Isang hindi nagpakilalang impormante na may alias “Rod” na itinuturing ding kasamahan ng mga suspek ang dumulog sa himpilan ng Marikina City Police upang ipagbigay alam na sinubukan siyang yayain ni Diablo na maghanap ng mabibiktima noong Biyernes ng gabi sa Brgy. Concepcion Uno.  Haharapin ni Diablo ang mga kasong murder, robbery/hold-up, at illegal possession of firearms.

 

 


Ang isa pang suspek na menor de edad na hinihinalang nakipagsabwatan kay Diablo ay nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development. Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga pulis ang isa pang suspek.

 

Makakakuha ng P500,000 na pabuya mula sa lokal na pamahalaan ng Marikina ang testigo sa pagbibigay nito ng impormasyon sa naturang krimen. Subalit, hindi siya abswelto sa kasong posible niyang harapin dahil sa pagkasangkot niya sa krimeng ito.

 

Matatandaang nag-alok si Mayor Marcy ng pabuyang P500,000 sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa pagpatay kay Francis. Maliban sa P500,000 na reward mula kay Mayor Marcy, nakatulong din sa pagkakadakip sa mga suspects ang pinagsamang puwersa ng PNP Marikina at Pamahalaang Lungsod.




Share article on: