Munisipyo Naglabas ng Opisyal na Tricycle Fare Matrix

PIO Department

2019-6-24

Share article on:

Ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ay naglabas ng opisyal na Tricycle Fare Matrix o taripa sa ilalim ng City Ordinance no. 011 series of 2013 upang maging gabay sa tamang pagbabayad ng mga mananakay na Marikenyo at tamang paniningil sa mga pasahero ng mga traysikel drayber.




Base sa taripa, ang minimum na pamasahe sa traysikel ay P9 para sa unang kilometro at may dagdag na P1 sa kada susunod na kilometro.


P20 naman ang singil para sa tinatawag na special trip na may sakay na isa o dalawang pasahero lamang.


Samantala, mayroon P2 diskwento ang mga senior citizens, mga may kapansanan at mga mag-aaral sa elementarya. P1 naman sa mga mag-aaral sa mataas na antas ng paaralan at kolehiyo.


Ang mga batang apat na taong gulang at pababa ay may karapatan sa P3 diskwento sa pamasahe sa traysikel.


Ang taripang ito ay kailangan permanenteng nakapaskil sa loob ng traysikel, nasa maayos na kondisyon at madaling makita ng bawat pasahero.


Ang hindi pagpapakita ng taripa ay may kaukulang multa na P500. Habang ang mga traysikel drayber na maniningil ng higit sa nakasaad sa opisyal na taripa ay may multa na P1000. Anumang uri ng pananamantala ay maaaring maging dahilan nang pagbawi ng prangkisa ng traysikel.


Hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ang pag-ulat at pakikipag-ugnayan ng mga residente sa kinauukulan patungkol sa mga traysikel drayber at operators na lalabag sa nabanggit na ordinansa sa lungsod.


Ipagbigay-alam ang kumpletong detalye tulad ng saan at kailan naganap ang naranasang ilegal na dagdag na singil at ang body number ng tricycle unit.


Para sa iba pang katangunan, bukas ang tanggapan ng Official Public Safety and Security (OPSS) Transportation System and Regulation Unit (TSRU) ng Marikina sa second floor ng Engineering Center, Brgy. Sto. Niño at sa mga numerong (02) 655-3061 at (02) 948-1208.

Share article on: