“Munting Basura, Ibulsa Muna” Inilunsad sa Mas Marami Pang Paaralan

PIO Department

2019-1-28

Share article on:

Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng programang “Munting Basura, Ibulsa Muna” noong Huwebes sa Fortune High School, inikot naman ni Mayor Marcy Teodoro ang iba pang mga paaralan sa lungsod noong araw ng Biyernes para ipakilala ang naturang kampanya ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa siyudad.

Ang iba pang mga paaralan kung saan inilunsad din ang programang “Munting Basura, Ibulsa Muna” ay ang Marikina High School, Concepcion Integrated School (CIS) High School, San Roque High School, Malanday National High School, Santa Elena High School, Sto. Niño High School, Nangka High School at Parang High School.

Katulad ng paglulunsad nito sa Fortune High School, tinuruan din ang mga mag-aaral sa ibang mga paaralan ng awitin tungkol sa tamang pagtatapon ng mga basura. Tinuruan rin ang mga estudyante ng sayaw para masabayan ang kantang ito na labis na ikinatuwa hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na rin ng kanilang mga guro.

Binigyan din ang mga estudyante ng mga biscuits na sabay-sabay nilang kinain kasama ni Mayor Marcy, mga guro at mga iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina na dumalo sa paglulunsad ng programang ito. Matapos kainin ang mga biscuits, sabay-sabay nilang ibinulsa ang mga balot ng biscuits para walang kalat.

Namigay rin ng mga school bags si Mayor Marcy at iba pang opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa mga estudyante matapos ang programa.


Share article on: