Pagpapatayo ng Bagong PNP HQ Mag-uumpisa Na

PIO Department

2018-8-1

Share article on:

Mag-uumpisa na ngayong buwan ng Agosto ang pagpapatayo ng bagong headquarters ng Marikina Philippine National Police (PNP), ang kauna-unahang tanggapan ng kapulisan na pinondohan ng Lokal na Pamahalaan.

Ang gagawing gusali ay mayroong walong palapag at ito ay itatayo sa Fortune Ave. katabi ng ginagawang bagong tanggapan ng Rescue 161/DRRM (Disaster Risk Reduction and Management). Inaasahang ang bagong PNP headquarters ay magkakaroon ng indoor shooting range, lockers, tactical operation center at iba pang mga pasilidad na makakatulong upang mapalakas pa ang puwersa ng kapulisan sa lungsod.

Aarangkada ang pagtatayo ng PNP headquarters sa Agosto 15, isang proyektong malapit sa puso ni Mayor Marcy Teodoro dahil ito ay kaakibat sa programa ng kaniyang administrasyon na lalong paigtingin ang seguridad at kapayapaan sa Marikina.


“Seryoso tayong siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” sabi ni Maror Marcy matapos niyang pangunahan noong Mayo 10 sa taong kasalukuyan ang pagpapasinaya sa pinaplanong PNP headquarters ng Marikina na dinaos sa City Hall.

Sa nakalipas na dalawang taon ng kaniyang panunungkulan bilang Ama ng Marikina, todo ang suporta ni Mayor Marcy sa kapulisan,  kabilang na ang pagtatag ng 16 na presinto sa 16 na barangay ng lungsod, pagbili ng mga bagong police patrol cars, mga baril at pagbibigay ng iba pang logistical support.

Share article on: