Panukalang ‘No Garage, No Building Permit’ sa Marikina Pinatupad

PIO Department

2019-8-23

Share article on:

Ipinatupad ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ang panukalang “No Garage, No Building Permit Ordinance of 2019” kahapon, Agosto 22, kung saan ang mga may-ari ng establisyimento o ano pa mang uri ng negosyo ay kailangang tiyakin na mayroon silang inilaan na sapat na garahe o paradahan para sa mga sasakyan o motorsiklo bago sila kumuha at mabigyan ng building permits mula sa munisipyo ng Marikina.

 

“Kung sino man po ang nagbabalak na magpatayo ng istruktura sa Marikina at kukuha ng permit, kailangang magprisenta muna po ng building plan o blueprint na may nakalaan na permanent parking space para mabigyan ng sapat na permiso sa kanyang ipatatayong gusali,” sabi ni Mayor Marcy.

 

Sa isang pahayag mula kay Konsehal Donn Favis na syang pangunahing sumulat ng panukalang ito, sinabi niya na ang pagkakaroon ng probisyon sa paradahan ay maaaring makatulong sa paglutas ng suliranin sa trapiko at upang mabawasan ang bilang ng mga sasakyan na nakaparada sa mga bangketa o nakaharang sa mga daanan at kalsada.

 

"Ang totoo niyan ang roads kasi ay hindi naman owned by the residents living or operating a business in the area. Wala sa kanila ang pagmamay-ari nun, pagmamay-ari noon ay nasa gobyerno," sabi ni Konsehal Don.

 

Ang panukalang ito ay alinsunod rin sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Hulyo 29, na alisin ang mga nakaharang o sagabal sa kalsada o mga bangketa.


Maliban dito, iminungkahi rin ni Konsehal Donn ang ordinansa na mag-aalis ng mga subdivision gates sa lungsod upang magbigay na alternatibong ruta para sa mga motorista. Subalit, ito naman ay hindi sinangayunan ng mga homeowners.

 

"There are objections from some homeowners associations, but they have to comply. We have already passed this in the council," sabi ni Konsehal Donn.

Samantala, may mga ilang subdivision naman sa lungsod ang kusang nagtanggal ng kanilang mga tarangkahan bilang pagsunod sa lokal na ordinansa at direktibang  mula sa DILG.

Share article on: