Patuloy ang City Hall sa Paglilinis ng mga Nasalanta ni Karding

PIO Department

2018-8-16

Share article on:

Nag-ikot kahapon si Mayor Marcy Teodoro kasama ang iba pang opisyales ng Pamahalaang Lokal sa lungsod ng Marikina upang pangasiwaan ang patuloy na paglilinis ng mga kawani ng City Hall sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Karding.

Mismong si Mayor Marcy ay tumulong sa paglilinis ng mga putik at dumi sa mga daan dulot ng baha na dala ng walang tigil na pag-ulan dahil kay Karding.


Upang ipagpatuloy ang paglilinis ng mga kalye at iba pang lugar sa siyudad, sinuspinde rin kahapon ni Mayor ang mga klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong mga paaralan sa Marikina ngayong araw ng Huwebes at bukas.

Samantala, ang mga modular tents na ginamit sa mga evacuation centers ay nilabhan, dinis-infect at ibinilad sa araw para mawala ang anumang amoy. Niligpit na ang mga tents dahil nag-uwian na ang mga kababayan nating pansamantalang lumikas sa mga evacuation centers dahil binaha ang kanilang mga kabahayan.


Umani ng papuri mula sa mga netizens sa social media ang paggamit ng mga modular tents sa Marikina na naglalayong bigyan ng privacy ang mga mamamayang nagsilikas rito, lalo na ang mga bata at mga babae. Naging maayos at malinis din ang mga evacuation centers dahil sa mga modular tents.




Share article on: