Rescue 161 Laging Handa Tuwing May Sakuna

PIO Department

2018-6-13

Share article on:

Ngayong panahon ng bagyo at ulan, lalong magiging abala ang Marikina City Rescue 161 upang matugunan ang mga Marikenyong nasa gipit na sitwasyon.

Ang Rescue 161 rin ang nagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon sa publiko katulad ng water level sa Marikina River, rainfall data, weather updates mula sa PAGASA, mga lugar na binabaha, mga announcement mula kay Mayor Marcy Teodoro katulad ng suspension ng mga klase. Ang mga impormasyong ito ay matatagpuan sa kanilang Facebook page.

Tine-text din nila si Mayor Marcy at iba pang mga opisyal ng Marikina tungkol sa mga updates sa lagay ng panahon.

Bawat oras ay nag-a-update ang Facebook page ng Rescue 161 tungkol sa water level sa Marikina River at sa lagay ng panahon upang maging handa ang mga mamamayan lalo na iyong mga nakatira malapit sa ilog at sa mga lugar na binabaha.

“Ang command center namin pag ganitong masama ang panahon ay nakaalerto 24/7. May naka-duty talaga rito round the clock. Pero mas alerto kami kung ganitong weather, may bagyo at maulan,” ayon kay Rameses  Mendoza, operations officer ng Rescue 161, sa isang panayam sa loob mismo ng kaniyang opisina habang rumaragasa ang bagyong "Domeng."

“We monitor the weather updates from PAGASA and post them on our Facebook page. Kumukuha kami ng rainfall data sa MMDA (Metro Manila Development Authority)  at ini-interpret ito ng ating engineers upang ma-determine kung gaano kataas ang itatas ng water level sa ilog natin,” dagdag pa ni Rameses.

Bukod sa mga personnel nitong naka-duty sa command center  na matatagpuan sa second floor ng City Health Office sa may Shoe Ave., may naka-standby ring team ang Rescue 161 na pinapatawag upang mag-report sa opisina nila sa sandaling umabot sa 14.5 meters ang taas ng tubig sa Marikina River.

Sa sandaling umabot sa 15 meters ang taas ng tubig sa ilog, inaalerto naman ng Rescue 161 ang iba’t- ibang departments ng City Hall at ibang ahensya ng gobyerno tulad ng mga lokal na opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education, ang Marikina police at ang City Health Office upang maging handa sa sandaling umakya ang tubig sa 17 meters.



Galawang Interagency

Kapag tumaas na sa 17 meters ang tubig sa Marikina River, magkakaroon na ng forced evacuation sa mga residenteng malapit sa ilog at sa mga lugar na binabaha. Ang mga pampublikong paaralan sa lungsod ang magsisilbing evacuation centers.

Ang mga department heads ng City Hall ang mangangasiwa sa mga evacuation centers at mag-rereport sila kay Mayor Marcy ng mga kailangan ng mga evacuees katulad ng tulugan, kumot, pagkain, gamot at iba pa. Ang DSWD naman ang mamigay ng mga kagamitan na kailangan ng mga evacuees at ng supply ng pagkain.

Ang mga pulis naman ay nagpapanatili ng peace and order situation sa mga evacuation centers. Tumutulong din sila sa Rescue 161 sa kanilang rescue operations.

Ang mga kawani naman ng City Hall ay magtutulong-tulong sa paghahanda ng pagkain na niluluto sa Marikina Sports Center, ayon kay Rameses. Ang mga pagkain ay ipamamahagi sa bawat evacuation center.

Ang City Health Office naman ay mag-iikot sa mga evacuation centers upang magsagawa ng free check-up at mamigay ng mga gamot.

“Galawang interagency at inter-department dito kapag may bagyo,” ayon pa kay Rameses. “Ang mga department heads ay in-charge doon sa mga schools na ginawang evacuation centers. Iyon ang gusto ni Mayor Marcy para mas maayos at hindi magulo ang pagbibigay ng data tulad ng mga supplies na kailangan.”

Kahit walang bagyo ay nakahanda ang Rescue 161 upang rumesponde sa mga emergency tulad ng medical emergency, sunog, earthquake, nalulunod sa ilog, aksidente sa kalye, at iba pa. Tumawag lamang sa mga numero ng Rescue 161 upang makatanggap ng kaagarang tulong.



Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Rescue 161, bisitahin ang kanilang Faceboook page: https://www.facebook.com/MarikinaRescue161/



Share article on: