Rescue 161 Patuloy sa Pagsasagawa ng Training Para sa mga Volunteers

PIO Department

2018-6-13

Share article on:

Patuloy ang tanggapan ng Marikina City Rescue 161 sa pagsasagawa ng training at seminar para sa mga nais maging community volunteers at tumulong sa kanila sa pagreresponde sa mga iba’t ibang emergency sa lungsod.

Ayon kay Rameses Mendoza, operations officer ng Rescue 161, nakapagbigay na ang kanilang tanggapan ng pitong batches ng training at seminar sa taong ito. Ang bawat batch ay may 40 participants mula sa iba’t ibang homeowners association (HOA) ng Marikina.

“Per community or homeowners association ang pagbibigay namin ng training. Inuuna namin ang mga vulnerable communities. Iyong mga malapit sa ilog at mga bahaing lugar tulad ng Malanday, Tumana, Nangka, Fortune. All in all mga nasa 20 homeowners association na o mahigit pa ang nakadalo na sa aming training,” ayon pa kay Rameses.


“Per HOA, humihingi kami ng limang participants per batch. After nila, pupunta naman kami sa kanilang komunidad upang magsagawa pa ng malawakang training,” ayon pa kay Rameses.

Ang pagpapalawak ng community volunteers sa ilalim ng Rescue 161 ay isa sa mga programang ipinatutupad ni Mayor Marcy Teodoro sa lungsod.

Ang training ng Rescue 161 ay tungkol sa pagbibigay ng first aid, life support, disaster awareness at disaster management. Ang susunod rito ay ang pagtuturo na ng technical rescue katulad ng pagpatay ng sunog, anong gagawin kung may lindol, at iba pang mga sakuna at emergencies.




“Marami pang HOA ang hindi covered. Kaya tuloy-tuloy lang ang pagbibigay namin ng mga trainings at seminars hanggang ma-cover natin ang lahat ng communities,” ayon pa kay Rameses.

Ang volunteers ay tumutulong sa kani-kanilang komunidad sa mga oras ng sakuna tulad ng baha, sunog o lindol. Pwede rin silang sumagip kung may nalulunod o kaya ay may naaksidente. Maari rin silang magbigay ng first aid habang hinihintay ang ambulansiya at mga medical personnel.



 

Share article on: