Sa Gitna ng Malakas na Ulan, Bagong Multi-purpose Hall sa Noah Pinasinayaan

PIO Department

2018-6-11

Share article on:

Kung sa Bibliya ay nagtayo si Noah ng isang malaking arko para masakyan at maging tahanan pansamantala ng kaniyang pamilya at maging ng mga hayop at halaman upang mailigtas sila sa baha na dulot ng walang humpay na pag-ulan sa loob ng 40 araw at 40 gabi, sa Noah sa Brgy. Marikina Heights ay meron ding masisilungan ang mga naninirahan rito.

Noong Sabado, Hunyo 9, pinasinayaan ang bagong multi-purpose hall ng Noah Homeowners Association (HOA) sa kabila ng malakas na ulan dulot ng bagyong “Domeng,” na nagdulot ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ang tatlong palapag na multi-purpose hall, na may kabuuang sukat na 66 square meters, ay pinasinayaaan sa pangunguna nina Konsehal Jojo Banzon at Ponchie Santos, pinuno ng Marikina City Tourism, Culture and the Arts Office, na siyang kumatawan kay Mayor Marcy Teodoro na hindi nakadalo dahil sa isang importanteng obligasyon.

Sa kaniyang mensahe, ibinilin ni Ponchie na alagaan ng mga miyembro at opisyales ng Noah HOA ang multi-purpose hall na matatagpuan sa Dao St. at ang kanilang samahan.

“Sana ay ituring po ninyong parang isang sanggol ang inyong samahan, para sa dulo ng inyong termino ay makita ninyo na ganap na maging matagumpay, masaya at lahat ng biyaya ay matanggap ng bawat miyembro dito sa inyong samahan at komunidad,” sabi ni Ponchie sa kaniyang maiksing mensahe.

Mahalaga ang multi-purpose hall dahil ito ang nagiging sentro ng mga activities ng komunidad at nagiging daan para lalo silang magkaisa. Maaaring idaos rito ang kanilang pagpupulong at pagdaraos ng mga mahalagang okasyon tulad ng birthday, binyag at maging lamay sa patay.

Labis-labis naman ang pasasalamat at galak ng mga opisyales at miyembro ng Noah HOA kay Mayor Marcy at sa mga kawani ng City Hall na tumulong upang maisakatuparan ang kanilag mga hiling na maging maayos ang kanilang komunidad.

Ikwenento ni Marife Mataba, presidente ng Noah HOA, kung gaano kabilis na umaksyon ang City Hall sa pangunguna ni Mayor Marcy sa kanilang hiling na magkaroon sila ng sariling multi-purpose hall.

“Humiling kami na magpatayo ng multi-purpose building dito sa amin,” kwento ni Marife. “Buti na lang at mayroon tayong isang Mayor na maaasahan.”

Malibang sa multi-purpose hall, hiniling din nila na magkaroon na ng titulo ang kani-kanilang lupa sa Registry of Deeds na agad namang inaksyonan ni Mayor Marcy.

Sa naturang okasyon, nanumpa rin sa kanilang tungkulin ang mga bagong opisyales ng Noah HOA at Milagrosa Homes Community Associaiton of Dao kay Konsehal Jojo.

Sa kaniyang mensahe, binanggit naman ni Konsehal Jojo ang mga proyekto ni Mayor Marcy para sa ikabubuti ng mga Marikenyo katulad ng libreng matrikula sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, libreng business permit sa mga may-ari ng maliliit na sari-sari store at karendera at cash gift at basket of groceries sa mga senior citizens sa tuwing birthday nila.

Binigyang diin ni Konsehal Jojo kung gaano kalapit sa puso ng Ama ng Lungsod ang mga Marikenyo na itinuturing niyang mga anak, at ang pagsisikap nitong mapabuti ang kanilang kalagayan.




Kahit malakas ang ulan ay dumalo rin sa okasyon ang mga ibang opisyales at kawani ng City Hall, mga residente ng Dao St. na may dala-dalang payong at ang iba ay nakasuot ng jacket pang-ulan.

(Celine Natividad contributed to this article.)


Share article on: