Sapatos Festival Opisyal Nang Binuksan sa Marikina

PIO Department

2019-11-14

Share article on:

Opisyal nang binuksan sa publiko ang Sapatos Festival sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro noong Lunes, Nobyembre 11.

 

Nakilala bilang Shoe Capital of the Philippines and Marikina City kaya naman taun-taon na dinaraos ang Sapatos Festival upang ipakita ang angking talino sa paglikha at pagyari ng mga dekalidad na sapatos ng mga lokal na sapatero sa lungsod.




“Pagsasapatos, ito ang industriya kung saan naging tanyag ang Marikina, ‘ika nga, ‘The Shoe Capital of the Philippines.’ Sa pagkakagawa ng unang pares ng sapatos, bahagi na ito ng aming kasaysayan,” sabi ni Mayor Marcy habang binubuksan ang pinakamalaking shoe bazaar sa lungsod na matatagpuan sa Marikina Freedom Park.


Personal na binisita ni Mayor Marcy ang 48 na shoe manufacturers na nakibahagi sa pagdiriwang na ito kabilang na ang 71-anyos na si Rolando “Tatay Oly” Santos na gumawa ng pares ng sapatos na isinuot ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) at si Antonio Andres, chairman ng Philippine Footwear Federation, Inc. (PFFI) at may-ari ng Gibson Shoes.




Bukod sa footwear, mayroon mga belt, bag at iba pang leather goods na maaaring mabili ng mga bibisita sa shoe bazaar. Ang sapatos na gawang Marikina ay dekalidad at kayang tumagal ng ilang taon at abot-kayang ang presyo. Ang bawat produktong gawa ng mga Marikeño ay ipinagmamalaki worldwide.




Malaking bahagi ng ekonomiya ng lungsod ang industriya ng sapatos. Ito rin ang bumuo ng kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan ng mga Marikeño. 


Ayon kay Mayor Marcy, ang bawat pares ng sapatos na ginagawa sa Marikina ay may storya sa likod nito, mula sa kwento ng taong gumawa, paano ito ginawa, bakit ito ginawa at para kanino ito ginawa.


Sa patuloy ng pagsisikap ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina upang itaguyod ang industriya ng sapatos sa lungsod, hinihikayat ni Mayor Marcy ang publiko na bisitahin ang Marikina Shoe Bazaar at suportahan ang mga lokal na produkto tulad ng sapatos na gawang Marikina.


Mananatiling bukas ang shoe bazaar sa Marikina Freedom Park hanggang Disyembre 29. 

Share article on: