Sikat na mga Artista Mas Lalong Pinainit ang Araw ng Ka-Angkan

PIO Department

2018-4-30

Share article on:

Mas lalo pang uminit ang pagdiriwang ng Ka-Angkan Festival at ang 388th Founding Anniversary ng Marikina noong Sabado, Abril 28, ng dumalo at nagperform ang mga sikat na artista ng GMA Network na mas kilala bilang “Kapuso.”

Masigabong hiyawan at palakpakan ang sumalubong sa aktor na si Ruru Madrid, na isa ring taga-Marikina, nang umakyat siya sa entablado at may hawak na mikropono habang umaawit. Nang nasa entablado na ang aktor ay hinubad nito ang suot na jacket at tanging puting T-shirt na lamang at jeans ang suot nya at patuloy na nag-perform.



Dahil sa hindi mapigilang kasiyahan na makita at marinig ng personal ang aktor na umaawit, may mga ilang fans ang nag-akyatan sa entablado upang kumuha ng litrato kasama si Ruru. Agad naman silang inalalayan pababa ng mga naroong empleyado ng City Hall.



Matapos ang ilang awit, ay nagpaalam na si Ruru habang patuloy ang sigawan ng mga manonood na kinilig sa kaniyang mga awitin at sayaw. Kahit papunta na sa kaniyang sasakyan, marami pa ring gustong magpakuha ng litrato sa aktor gamit ang kanilang mga cellphone na pinagbigyan naman ni Ruru.


Dumating din si Julie Anne San Jose --  tinaguriang “Asia’s Pop Sweetheart” – na lalong nagpainit sa Araw ng Tag-init. Kasing-init din ang pagtanggap ng mga Marikinyo at mga bisitang dumalo sa kasayahan kay Julie Anne, na sinabing may bago siyang palabas sa “Kapuso” na dapat abangan ng kaniyang mga fans.

At tulad ni Ruru, marami ring mga fans na umakyat sa entablado para magpakuha ng litrato at mayakap ang aktres habang kumakanta. Hinabol din siya matapos magperform habang patungo sa kaniyang sasakyan para magpakuha ng mga selfies.


Bago magperform sina Ruru at Julie Anne, nauna ng pinasaya ng komedyanteng si Boobsie Wonderland ang mga Marikenyo sa pamamagitan ng mga awit at ng mga larong sinalihan ng mga nandoroon. Bentang-benta din sa mga naroroon ang mga jokes ni Boobsie.


Ginanap ang kanilang performance sa isang programa sa Marikina Sports Center na nag-umpisa bandang 6:00 ng gabi. Ito ay matapos ang isang parada mula sa panulukan ng J.P. Rizal St. at V. Gomez St. sa Brgy. San Roque sa ganap na 4:30 ng hapon.

Bagong Anyo ng Marikina Website

Nilahukan ng mga kasapi ng mga angkan sa Marikina at mga opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Marcy R. Teodoro, ang parada ay nagtapos sa Marikina Sports Center kung saan nagkaroon ng masayang palatuntunan at salu-salo ala pistang Pinoy.

Sa naturang pag-diriwang ay inilunsad din ang bagong anyo ng website ng Marikina (marikina.gov.ph) na naglalayong mas lalo pang ilapit ang Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marcy sa mga Marikenyo.

Ipinagdiwang ng mga Marikenyo ang ika-388 anibersaryo ng pagkakatatag ng Marikina at Kapistahan ng mga Angkan o Ka-Angkan Festival.

Ang okasyon ay isang kapistahang puno ng saya kasama ang daan-dang katao na nagsidalo mula sa 44 angkang kalahok. Ang ilan sa kanila ay galing pa sa ibang bansa.

Naging panauhin sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Cainta Vice Mayor Pia Schuck-Velasco.

Ang Kapistahan ng mga Angkan ay isa sa mga pinakaaabangang pagdiriwang ng mga Marikenyo bilang bahagi ng selebrasyon ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Marikina tuwing Abril 16. Sa panahong ito ay nagsasama-sama ang mga mamamayan sa isang okasyon na mistulang engrandeng reunion.

Namigay naman si Mayor Marcy ng isang buong litson sa bawat angkan na naroroon.

Nagtapos ang programa sa isang makulay, maingay at masayang fireworks display na lubos na ikinalugod ng lahat ng nagtipon-tipon na mga angkan at mga panauhin.


Share article on: