Streetlights sa Porcheville, Eskinita at Drainage sa Alfonso Ching HOA Pinasinayaan

PIO Department

2018-11-12

Share article on:

Pinasinayaan ng mga lokal na opisyal ng Lungsod ng Marikina kabilang na si Councilor Donn Carlo Favis ang bagong gawang eskinita at drainage sa Alfonso Ching Homeowners Association sa Apitong Street ng Brgy. Marikina Heights noong Sabado, Nobyembre 10.

Ang streetlights sa loob ng Porsheville Subdivision sa naturang barangay ng Marikina Heights ay pinasinayaan din noong Sabado.

Malaki ang pasasalamat ni Marikina Heights Brgy. Chairman Greg Punzalan kay Mayor Marcy Teodoro at sa mga iba pang opisyal ng Lokal na Pamahalaan at City Hall ng Marikina.

“Ang mga proyektong ito ay pagpapatunay na talagang may gobyernong maasahan dito sa Marikina sa pangunguna ni Mayor Marcy,” ayon kay Kapitan Greg sa isang maiksing talumpati sa pagpapasinaya ng bagong gawang eskinita at drainage sa Alfonso Ching HOA.

Ang bagong gawang eskinita ay isa lamang sa 49 na mga eskinita na matatagpuan sa mga komunidad ng Marikina Heights, Parang at Nangka na kasalukuyang inaayos ang Pamahalaang Lokal ng Marikina.

Inaayos ang mga eskinitang ito upang maging maayos at ligtas ang daraanan ng mga Marikenyos na naninirahan sa mga lugar na ito ayon na rin sa layunin ni Mayor Marcy.




Ayon kay Chairman Greg, sobrang laki ng nagawa ni Mayor Marcy upang maayos ang Lungsod ng Marikina mula ng maupo siya bilang alkalde noong 2016.

“Sa maikling panahon ng panunungkulan ni Mayor Marcy ay marami ng nagbago sa Marikina. Marami ng mabubuting proyektong naipatupad tulad ng libreng tuition fee sa PLMAR (Pamantasan ng Lungsod ng Marikina), libreng business license sa mga maliliit na sari-sari store at karenderya at marami pang iba,” dagdag pa ni Greg.

Ang iba pang mga dumalo sa pagpapasinaya ng mga proyektong ito ay sina City Councilor Paul Dayao, dating Marikina Vice Mayor Marion Andres; Jaren Feliciano at Anna Montoya Cruz, mga kagawad ng Brgy. Marikina Heights; Larry Punzalan, dating kagawad ng lungsod; Angel Nunez; at si Elvis Tolentino, ang head coach ng Marikina Shoemasters, ang basketball team ng lungsod.

Share article on: