Tatlong Tindahan sa Marikina Kabilang sa Kauna-unahang Suking Tindahan Program

PIO Department

2018-8-16

Share article on:

Tatlong tindahan sa loob ng Marikina Public Market ang napabilang sa kauna-unahang grupo ng mga Suking Tindahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang Francing Store, Lacson Grocery at Noel and Jenny Store ay nabigyan ng Suking Tindahan seal o badge ng DTI kahapon, pagpapatunay na sila ay kasali sa bagong programang ito ng naturang ahensya ng gobyerno na inilunsad kahapon sa Marikina.

Pinangunahan nina Mayor Marcy Teodoro at DTI Secretary Ramon Lopez, ang Suking Tindahan program ay inilunsad kahapon sa Marikina Public Market. Ang programang ito ay naglalayong hikayatin ang mga tindahan sa buong bansa na magbenta ng mga pagkain at iba pang mga produkto alinsunod sa suggested retail price (SRP) ng DTI.


Para mapabilang sa Suking Tindahan program, dapat may business registration ang mga ito at sila ay nag-o-operate na ng isang taon o mahigit. Dapat din ay may kapital silang hindi bababa sa P100,000.

Kapag napabilang ang isang tindahan o sari-sari store sa programang ito ng DTI, sila ay maaaring bumili ng mga supply o paninda diretso sa mga manufacturers upang makabili sila sa mas mababang halaga o factory prices.

Nagpasalamat naman si Mayor Marcy kay Secretary Lopez sa pagbisita sa public market ng lungsod at sa pag-iikot niya kasama ang iba pang opisyales ng DTI upang magsagawa ng special monitoring ng mga presyo at supply ng mga bilihin upang masigurong tama ang presyo ng mga ito sa Palengke ng Bayan.

Maliban sa Marikina, may mga tindahan rin sa Manila, Navotas, Quezon City at Taguig ang napasama sa pioneer batch ng Suking Tidahan ng DTI. Matapos i-roll out ang proyektong ito sa Metro Manila, inaasahang ito ay ilulunsad rin sa ibang bahagi ng bansa. Nilinaw ng DTI na boluntaryo ang pagsali sa Suking Tindahan at hindi nito ni-re-require ang  mga sari-sari stores na magbenta ayon sa SRP.

Maari ring sumali sa Suking Tindahan program ang mga wholesalers at cooperatives.

Share article on: