Traffic Advisory at Mga Paalala Para sa Undas

PIO Department

2019-10-28

Share article on:

Ang Marikina Public Information Office (PIO) ay naglabas ng traffic advisory kasabay ng paghahanda para sa Araw ng mga Namayapa o Undas.


Inilatag ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang iba’t ibang hakbang upang masiguro na ligtas at “hassle-free” ang mga bibisita sa mga sementeryo sa lungsod.


Ilan sa mga traffic schemes ang ipapatupad mula Oktubre 31, Huwebes, 12:00 ng tanghali hanggang Nobyembre 3, Linggo, 6:00 ng gabi.


Ginagawa ang nasabing traffic scheme upang maibsan ang lagay ng trapiko at maiwasan ang pagkakaipon ng mga sasakyan sa kalsada lalo na sa Loyola Memorial Park na pinakamalaking sementeryo sa lungsod.




Ang ilan sa traffic scheme na binalangkas ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ay ang pagbubukas sa one-way eastbound traffic ng A. Bonifacio Ave. mula Barangka flyover hanggang sa stoplight ng Shoe Ave.


Sa lahat ng nais magpunta sa Loyola Memorial Park ay kailangan dumaan sa Marcos Highway patungong Barangka flyover o Barangka underloop upang makadaan sa A. Bonifacio Ave.


Samantala, upang makapasok sa Gate 2 ng Loyola Memorial Park kailangang kumaliwa sa Plaza de las Flores, kakaliwa muli sa Paspasan St. at pagkatapos ay kakanan sa Don Gonzalo Puyat St.


Ang Gate 1 o main gate ng Loyola Memorial Park ay magsisilbing labasan kung saan ang mga motorista ay kailangan kumanan sa Paspasan St., kakaliwa sa Chorillo St., at kakaliwa muli sa A. Bonifacio Ave.


Ang Riverbanks Ave. ay bukas naman sa southbound traffic patungong Marcos Highway. Maaaring dumaan ang mga motorista sa nasabing highway mula A. Bonifacio Ave.


Mariing iminumungkahi ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina sa mga motorista na magparada sa pay parking area ng Riverbanks Mall kung sakaling puno na ang paradahan ng sasakyan sa Loyola Memorial Park.


Naka-antabay ang emergency medical teams, health stations, ambulansya, pulis, at bumbero sa mga sementeryo sa lungsod. Naka-posisyon din ang mga closed circuit television (CCTV) cameras upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.


Mayroon din inihandang command center sa apat na iba pang sementeryo sa Marikina kabilang ang Our Lady of the Abandoned Parish Cemetery, Holy Child Cemetery, Aglipay Cemetery, at Barangka Cemetery. Ang mga ito ay hawak ng Marikina City Rescue 161 (Marikina City Disaster Risk Reduction Management Office).


Pinapaalalahan ang lahat ng dadalaw sa mga sementeryo na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng mga ginagamit sa pagsusugal, anumang instrumento na magiging sanhi ng apoy, nakamamatay o nakapananakit na sandata, alak, maiingay na gamit tulad ng karaoke, at iba pang katulad ng nabanggit.


Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Facebook page ng Marikina PIO o tumawag sa Marikina City Rescue 161 sa numerong 646-2436 hanggang 38.

Share article on: