Traffic Advisory para sa Pagsisimula ng NCR Palaro sa Marikina Sports Center sa Pebrero 24

PIO Department

2019-2-22

Share article on:

Naglabas ng abiso ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina ng traffic advisory kasabay ng pagbubukas sa Pebrero 24 ng National Capital Region (NCR) Palaro 2019 kung saan ang lungsod ng Marikina ang siyang napiling lugar ng pagdadausan ng naturang sports event.

 

Ang NCR Palaro 2019, na dadaluhan ng mga student-athletes mula sa 16 na siyudad at 1 munisipyo ng Metro Manila, ay gaganapin mula Pebrero 24, Linggo, hanggang Marso 2, Sabado, sa Marikina Sports Center (MSC) sa Sumulong Highway corner Shoe Avenue sa Brgy. Sto Niño.


Sa pagbubukas nito ngayong Linggo, Pegbrero 24, magkakaroon ng parada ng mga delegado na magsisimula sa Marikina River Park sa ganap na 3:00 ng hapon. Ang paradang ito ay dadaan sa “Heritage Zone” ng Marikina at tatawid sa Poonton Bridge at diretso ng Zapatero St. Daraanan din ang mga kalye ng J.P. Rizal St., V. Gomez St., Shoe Ave., City Hall Road at magtatapos sa Marikina Sports Center.




Inaasahan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga naturang lugar kaya pinapayuhan ang mga motorista na iwasan muna ang mga ito at maghanap ng alternatibong ruta.


Magtatalaga rin ng mga gabay sa trapiko ang Pamahalaang Lungsod upang makatulong sa mga motorista.

 

Ito ang pangalawang taon mula ng maupo si Mayor Marcy Teodoro bilang Ama ng Lungsod na ang Marikina ang siyang magiging host sa NCR Palaro. Matatandaang ginanap din sa Lungsod ng Marikina ang NCR Palaro noong 2017.


Ang taunang rehiyonal na palaro ay isinasagawa bilang paghahanda sa Palarong Pambansa na gaganapin sa probinsya ng Davao sa Abril 27 hanggang Mayo 4 ngayong taon kung saan ang mga kalahok naman ay magmumula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.


Ang Palarong Pambansa ay ginagawa upang itaguyod ang pisikal na edukasyon at sports para sa pagpapaunlad ng kalusugan ng mga kabataan, ibahagi ang diwa ng sportsmanship at disiplina, pagtutulungan, at iba pa.



Share article on: