Traffic Rerouting Plan para sa Undas

PIO Department

2018-10-19

by Famela Dahonog

Share article on:

Magkakaroon ng traffic rerouting sa Lungsod ng Marikina ngayong darating na Undas para maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at masiguro na ligtas ang mga bibisita sa mga sementeryo higit lalo sa Loyola Memorial Park, ang pinakamalaking sementeryo sa siyudad.

 

Ayon sa abiso ng Marikina Rescue 161, pagsapit ng Oktubre 31, 12:00 ng tanghali hanggang Nobyembre 1, 12:00 ng hatinggabi ipatutupad planong ito sa trapiko.

 

Bukas sa one-way eastbound traffic ang A. Bonifacio Avenue mula Barangka Flyover hanggang sa stoplight ng Shoe Avenue. Ang lahat ng nais magpunta sa Loyola Memorial Park ay kinakailangang dumaan sa Marcos Highway patungong Barangka Flyover o Barangka Underloop upang makadaan sa A. Bonifacio Avenue.

 

Ang Gate 2 ng Loyola Memorial Park ay magsisilbing pasukan para sa mga motoristang pupunta rito. Upang makapasok, kinakailangang kumaliwa sa Plaza de las Flores, kakaliwa muli sa Paspasan St. at kakanan sa Don Gonzalo Puyat St. Ang Gate 1 naman ay siyang magiging main gate at labasan, kung saan kailangang kumanan sa Paspasan St., pagkatapos ay kakaliwa sa Chorillo St. at kakaliwang muli sa A. Bonifacio Avenue.

Bukas ang southbound lane ng Riverbanks Avenue para sa mga motoristang patungong Marcos Highway. Sa pamamagitan nito, maaaring daanan ang nasabing highway kung magmumula sa A. Bonifacio Avenue.





Parking, Health Stations


Kung puno na ang mga nakalaang parking spaces sa Loyola Memorial Park, ipinapayo ng Lokal na Pamahalaan sa mga may-ari ng sasakyan na pumarada na lamang sa pay parking area sa loob ng Riverbanks Mall.

 

Inaasahang patuloy na dadagsain ng mga bisita ang mga himlayan sa Marikina hangang Nobyember 4 (Linggo) na magdudulot pa rin ng pagbibigat sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue at Sumulong Highway. Dahil dito, inaabisuhan ang bawat motorista na humanap ng mga alternatibong ruta upang hindi maipit sa daan.

 

Magtatayo rin ng health stations na nakaantabay para sa mga mamamayang dadalaw sa puntod ng kanilang namayapang kaanak. Nakaabang naman ang mga ambulansya, pulis at bumbero sa bawat sementeryo. Bukas at naka posisyon rin sa bawat sulok ang mga CCTV cameras upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

 

Magtatalaga rin ng mga command centers na hawak ng Rescue161 (Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office) sa apat na iba pang sementeryo sa lungsod kabilang ang Our Lady of the Abandoned Parish Cemetery, Holy Child Cemetery, Aglipay Cemetery, at Barangka Cemetery.


Ipinapaalala ng awtoridad na huwag magdadala ng mga ipinagbabawal na mga bagay sa loob ng sementeryo katulad ng mga ginagamit sa sugal, lumiliyab na bagay, nakamamatay o nakakasakit na sandata, alak, maiingay na gamit tulad ng karaoke, at iba pang katulad ng mga nabanggit.

Share article on: