Umapaw ang Kasiyahan sa Lubluban Festival sa Marikina

PIO Department

2019-5-9

Share article on:

Libo-libo ang nakisaya at dumalo sa pagdiriwang ng Lubluban Festival 2019 sa Marikina Sports Center noong Sabado, Mayo 4 na pinangunahan ni Mayor Marcy Teodoro katuwang ang Ating-Koop Partylist.


“Ang Lubluban Festival ay para sa pamilya at para magkasama-sama tayong lahat,” sabi ni Mayor Marcy ng siya ay tanungin kung bakit dinaraos ang Lubluban Festival.


Maagang nagsimula ang kasiyahan sa ilang kalsada sa lungsod. Naglagay ng mga inflatable pools kung saan 7:00 pa lang ng umaga tuwang-tuwa na sa paglublob at pagtampisaw ang mga residente sa iba’t ibang barangay kabilang na rin ang ilang opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina. Gumamit pa ng mga water guns ang mga ito kung kaya’t aliw na aliw ang mga kabataan.




Samantala, nagmistulang water park naman ang Marikina Sports Center kung saan ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng Lubluban Festival na nagsimula ng 4:00 ng hapon.






Patuloy na dinagsa ng mga tao ang nasabing lugar na tinayuan ng iba’t ibang sukat na inflatable pools. Ang olympic-sized swimming pool naman ng Marikina Sports Center ay nilagyan ng mga pailaw para mas lalong mag-enjoy ang mga naligo rito. Mayroon din foam at bubble dispenser, smoke machines at water cannon.






Sinabayan din ng nakakaindak na tugtugan at musika mula sa Itchyworms at Six Part Invention ang okasyon na ito.






Matanda man o bata, basang basa sa tuwa at nasasabik na maulit muli ang ganitong aktibidad sa susunod na taon.


“Sobrang saya! Solid ang experience namin dahil magkakasama rin kaming magkakaibigan. Sana taon-taon na ito,” sabi ni Mark Anthony Reyes, 13 taong gulang na kasama ang kanyang buong kaibigan na mula Brgy. Sto. Niño at Brgy. Marikina Heights.


“Masaya kami, sama-sama para maibsan din ang init ngayon panahon,” sabi ni Lourdes Escarion, 51 taong gulang, taga Marikina Heights.


Tiniyak naman ni Mayor Marcy at ng Lokal na Pamahalaan na walang tubig ang masasayang sa gawaing ito dahil ang mga naipong tubig pagkatapos ng Lubluban Festival ay gagamitin pandilig ng mga halaman at panlinis sa mga kalye at palikuran sa lungsod.


“I-re-recycle po namin ang tubig. Sisipsipin ito ng mga water tankers at gagamitin sa paglinis ng kalsada at pandilig ng mga halaman sa syudad,” sabi ni Vice Emil Casais, head ng Buildings and Grounds Management Section ng lungsod sa isang TV interview.




Umilaw naman ang kalangitan sa makulay na fireworks display, 8:00 ng gabi na naghudyat ng pagtatapos ng Lubluban Festival.


Ang Lubluban Festival ay isinagawa upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Marikenyo na walang kakayahan na makapunta sa mga beach o private resorts ngayong summer or panahon ng tag-init.


Higit pa rito, naniniwala si Mayor Marcy na makakatulong ang gawain ito na mapanatiling mataas ang happy index at pakikipagkapwa-tao ng mga Marikenyo.

Share article on: